Panganganinag Ng Isang Pangarap

Nagising ako sa sinag ng araw na dumampi sa aking mga pisngi. Maganda at maaliwalas ang panahon kaya naisipan kong bumangon ng maaga, magkape at tumambay sa labas ng aming bahay. Dumiretso ako sa isang duyan na tambayan naming magkakapatid noong mga bata pa kami. Habang nakaupo sa duyan at hawak ang isang mainit na tasa ng kape, bumalik sa aking alaala ang panahon ng aking  kamusmusan. Sa mismong duyan na ito nagumpisa ang aming tawanan, kulitan at magdamagang kwentuhan. Minsan sa isang usapan naming magkakapatid natanong ni Mama kung ano ba daw ang pangarap namin sa buhay. Si Kuya nangarap na maging seaman. Ang aking kapatid na babae ay nangarap na maging isang nurse at yung isa naman ay teacher. Ako? Simple lang ang pangarap ko, ang maiahon sa buhay ang aking pamilya, ang matulungan ang aking mga magulang sa gastusin sa pagpapaaral ng bunsong kapatid ko at maibigay sa aking pamilya ang buhay na masagana.

Humigop ako ng kaunting kape at humiga sa duyan habang pinagmamasdan ang kalangitan. Naisip ko na ilang taon na din pala akong namamasukan sa iba't-ibang pribadong kumpanya dito sa ating bansa. Nagturo ako ng tatlong taon sa isang pribadong eskwelahan noong nasa Davao pa ako, naging isang call center agent, at naging isang HR sa isang sikat at kilalang kumpanya dito sa Makati. Aaminin ko na hindi naman talaga ganoon kalaki ang kinikita ko. Sapat lang ito para sa pang araw-araw na gastusin ngunit minsan hindi sapat ang kinikita ko kadabuwan dahil na rin sa mga responsibilidad na nakaakbay sa aking balikat. May kaunting ipon naman ako pero para iyon sa oras ng kagipitan at pangangailangan.

Dati ko pang inasam na kumita at makapag ipon ng malaki para na rin matulungan at maiahon ang aking pamilya. Doon ko naisipan na subukin at pangarapin ang mangibang bansa. Ilang beses din akong sumubok ngunit lagi akong bigo. Nag-apply ako bilang isang guro sa Estados Unidos, nakapasa sa panayam at binigyan ng pagkakataon na mapabilang sa mga ipadadala doon. Noong una, buong akala ko ay mabilis kong maabot ang pangarap na iyun, ngunit hindi pala madali. Ang inaplayan kong ahensiya kung saan ako nakapasa ay hindi lehitimo ayon POEA. Nanlumo ako ngunit masaya na rin sa kabilang banda sapagkat hindi pa ako nakapagbigay ng pera para sa pag poproseso ng mga dokumento.

Naging leksyon sa akin ang karanasan na iyon ngunit hindi nakapagpabago sa pangarap ko na mangibang bayan.

Naisip ko na siguro nga ay swerte lang ang mga taong nabibigyan ng pagkakataon makapagtrabaho at manirahan sa ibang bansa kagaya na lang ng aking tiyahin na nasa bansang Japan. Hindi naman niya pinangarap na mamuhay at magtrabaho sa bansang iyon ngunit nabigyan siya ng pagkakataon. Isa siyang guro sa isang Japanese school dito sa ating bansa. Nagbago ang takbo ng kanyang buhay nang makapangasawa siya ng isang Hapones na nakilala niya sa kanyang pinapasukang paaralan. Sa isang iglap lang ay napagdesisyon nila na doon na manirahan sa bansang Japan. Dahil na rin sa walang alam sa kung anong klaseng buhay mayroon sa Japan, sa umpisa ay nahirapan siyang kumilos at mamuhay ng maayos. Ngunit hindi niya hinayaan ang sarili na mabigo bagkus ay pinag-aralan ang lenggwaheng banyaga, nagsumikap sa kung anong kakayahan meron siya at natutong makisalamuha sa ibang tao. Matiyaga siyang nagsimula sa wala ngunit ngayon ay masaya na siyang namuhay sa piling ng kanyang kabiyak.

Ilang taon na din ang aking tiyahin doon at minsan na din niya akong tinulungan para makapag Japan ngunit talagang mailap sa akin ang pangingibang bayan. Sinubukan kung mag apply bilang isang English teacher sa bansang iyon ngunit negatibo ang resulta. Kailangan ko munang manirahan sa Japan upang makapagturo at kailangan pagaralan ang kanilang salita upang hindi mahirapan sa pakikipag-usap.

Bumangon ako sa aking pagkakahiga sa duyan at humigop ng kaunting kape na sa pagkakataong ito ay medyo nabawasan ng kaunti ang init ngunit patuloy pa rin ako sa pag higop nito. Matapos ay itinuon ang tingin sa mga naglalarong ulap at doon ko naalala ang kwento sa akin ni Kuya Ed na nagtatrabaho sa bansang Singapore. Isa siya sa mga inspirasyon ko at siya ang patunay na sa pamamagitan ng pagsusumikap ay maabot mo ang iyong pangarap. Mahirap lang sila noon at magsasaka ang tatay niya. Hindi madali ang buhay sa kanya sapagkat kailangan niyang dumaan sa sakit at hirap bago maabot ang inaasam na pangarap. Nakwento niya na dahil sa kahirapan ay inalipusta sila ng kanyang mga kamag anak. Ngunit hindi sila sumuko ng kanyang pamilya. Umalis ang kanilang ama para sa isang trabaho sa ibang bansa. Tumatak sa musmos niyang isipan na kailangan din niyang kumayod para matulungan ang pamilya. Nagsumikap at kumayod para sa ikabubuti ng kanilang buhay. Lakas ng loob ang pinuhunan ni Kuya Ed. Nang makapagtapos siya ng pag-aaral ay sinubukan niyang mag apply sa isang ahensiya. Sa pamamagitan ng tiyaga at galing ay nahigitan niya ang mahigit isang daang aplikante para sa trabaho papuntang Singapore.

Sa bansang iyon inumpisahan niya Kuya Ed na baguhin ang takbo ng kanyang buhay. Sinimulang tuparin ang bawat mithiin at pinakita sa mga kamag anak na umalipusta na kahit mahirap ang buhay basta't may pangarap at patuloy na pagdarasal ay kaya nitong baguhin ang takbo ng buhay.

Sinuri ko ang aking sarili at kinumpara base na rin sa naging karansana ng aking Tiyahin at ni Kuya Ed. Tinanong ko ang aking sarili kung meron ba akong tiyaga, tiwala sa sarili, tatag at lakas ng loob kung sakali man na mabigyan ako ng pagkakataon na mapabilang sa labing isang milyong OFW na nagkalat sa buong mundo? Tama nga ba ang motibo ko na pansarili lamang at para sa pamilya ko kaya ko gusto magtrabaho sa ibang bansa? Pano naman ang bayan na iiwanan ko? Ano naman kaya ang maibahagi ko sa bayan ni Juan kung sakali mang lilisanin ko ito kapalit ng aking pangarap?

Tumayo ako sa kinauupuang duyan, kinuha ang tasa ng kape at ininom ang natitirang laman nito. Ngumiti ako sapagkat alam ko na ang dapat kong gawin. Patuloy parin ako sa aking pangarap ngunit bago ko lisanin ang bansang nag-aruga sa akin ay kailangan kong ipakita ang pagbabago. Kailangan ko munang magsumikap at magtiyaga sa kung anong trabaho meron ako dito. Hindi nangangahulugan na titigil ang pangarap ko, ito'y umpisa pa lamang ng pagbabago. Asahan niyong mapagtagumpayan ko rin ito.


Likhang-lahok bilang pagsuporta sa PEBA




Comments

  1. clap'clap'clap!! dalang dala ako.. nakakalungkot naman, ang ganda ng pagkakwento mo.. magaling magaling!!! GOOD LUCK dto sa entry mo..

    ReplyDelete
  2. @Lhan- salamat pare..

    @Mommy - oo nga kinakabahan at nagdadlawang isip ako i submit ito.. baka di pumasa pero bahala na. hehe

    Thank!

    ReplyDelete
  3. ang galing...

    i was working in a government agency 3 years ago. okay naman ang sweldo kasi administrative department head ako. 6 years din akong nagtagal don until time came na i decided to work abroad.

    minsan its not the salary counts, its the happiness.

    ReplyDelete
  4. sa wakas sumali rin!!! yehey!! Goodluck xander! kaya mo yan :D

    ReplyDelete
  5. Goodluck xander,,,ayos ito!

    ReplyDelete
  6. @ka-swak - maraming beses ko na sinubukan pero sadyang wala di pa dumapo si opportunity sa akin.. sana meron na soon

    ReplyDelete
  7. o di ba ang galing... gudluck sa atin...

    ReplyDelete
  8. Very nice po Sir Alex

    ReplyDelete
  9. Congrats po and God bless sa entry! :-)

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Happy 2013!!!

November 1 na ba???

Oh na na, Whats My Name?